Si Bugoy at Ang Mataas na Pader (Unang Bahagi) - Wandering Pinoy

Wandering Pinoy

iBlog and iWander

Home Top Ad

Sunday, August 26, 2012

Si Bugoy at Ang Mataas na Pader (Unang Bahagi)

Bahagyang umaliwalas ang mukha ni Bugoy nang makita niyang unti-unti nang tumitila ang ulan. Mula sa maliit na durungawan ng kanilang bahay ay namamalas ng kanyang dalawang mabibilog at mapupungay na mga mata ang unti-unting paglisan ng maiitim na ulap na tumatakip sa araw at ang pagliwanag ng kalangitan. Sa labas ng kanilang bahay ay nakikita niya ang mga basang dahon ng bayabas sa tapat ng isang lumang kubo na kani-kanina lamang, bago bumuhos ang napakalakas na ulan, ay namumuti dahil sa napakaraming alikabok. Sa kabila ng baku-bako at maputik na daan ay naaaninag niya ang makapal na usok buhat sa isang loteng nababakuran ng napakataas na pader. Biglang kumunot ang kanyang noo at napatanong bigla sa sarili: Bakit kaya may usok pa rin gayong napakalakas ng ulan kanina? 

Naging palaisipan na para kay Bugoy kung anong meron sa loteng iyon. Sampung taong gulang na siya nguni’t hanggang ngayon ay hindi pa rin niya batid kung ano ang nasa loob ng nababakurang lote. Madalas niyang tanungin ang kanyang tatay tungkol sa bagay na iyon nguni’t hindi nito inaalintana ang kanyang tanong na parang isang bingi. Maging ang kanyang ina na kadalasang pumapanaog ng kanilang bahay kasabay ang kanyang ama bago pa man sumikat ang araw ay wala ring maibigay na kasagutan sa kanyang mga katanungan. Tanging mga usap-usapan na lamang ng kanyang mga kalaro ang nagsisilbing kasagutan sa kanyang tanong. Nguni’t sari-sari ang kanilang mga kuwento:

‘Ang sabi sa akin ng tatay ko’y doon naninirahan ang napakaraning engkanto. Binakuran daw ng napakataas na pader upang hindi nila makita ng mga batang naglalaro. Nangunguha daw kasi sila sa mga bata.’

‘Ikinuwento sa akin ng nanay ko na doon daw ibinaon ng mga hapones ang gintong rebolto. Binakuran nila ng napakataas para hindi mapasok ng mga bandido.’

‘Sa loob ng loteng iyon daw ikinulong ang mag-asawang mangkukulam sabi sa akin ng Tiyo ko. Binakuran daw ng nakataas na pader para hindi sila makalabas. Salot daw kasi sila sa bayang ito.’

Ang mga kuwentong iyon ang lalong nagpapagulo sa murang isipan ni Bugoy. Walang araw at gabing hindi sumagi sa kanyang balintataw ang loteng nababakuran ng napakataas na pader. Bakit nga kaya nila binakuran ng napakataaas na pader ang loteng iyon? Maging ang kanyang pinsang basketbolista na higit na mataas sa kanyang ama ay hindi rin magawang silipin kung ano ang nasa loob ng nababakurang lote. Malalaman ko rin kung ano ang nasa loob ng loteng iyon balang araw. Darating din ang takdang panahon…

Biglang naudlot ang pagmumuni-muni ni Bugoy nang maramdaman niya ang bahagyang pagkirot ng kanyang sikmura. May mga panahong sadya talagang sumasakit nang biglaan ang kanyang sikmura. Iginawi niya ang kanyang paningin sa isang relong nakasabit sa kanilang madungis na dingding: Mag-aalas dyes na pala ng umaga.

Muling sumilip sa bintana si Bugoy. Sa bakuran ng kanilang kapitbahay ay tumambad sa kanyang mga mata ang mga batang kadalasa’y kalaro niya hanggang sa paglubog ng araw na masayang naghahabulan. Bigla siyang natigilan at napatanong na lamang sa hangin: May mga bata rin kayang naglalaro o kaya’y naghahabulan sa loteng iyon? Malalaman ko rin balang araw…

Sunud-sunod na hiyawan ng mga kalaro ni Bugoy ang dagliang pumutol sa kanyang malalim na pag-iisip. Niyaya siya ng mga ito na sumali sa kanilang paglalaro. Bagama’t nagugulumihan sanhi ng agam-agam tungkol sa loteng nababakuran ng napakataas na pder ay napilitan na rin siyang pumanaog ng bahay upang makipaglaro sa mga kaibigan. Baka magtampo pa kasi sa kanya sila at sabihing wala siyang pakisama.

“Ano ba ang iniisip mo, Bugoy?” hirit kaagad sa kanya ni Toton, ang pinakamaliit nguni’t pinakamakulit sa kanilang grupo, nang mamataan siya nitong papalapit sa kanilang pinaglalaruan.

“Ah…eh…wala.”

“Anong wala? Huwag ka ngang magsinungaling sa akin!”

“Eh…kasi…kasi…iniisip ko kung mag-aaral na ako sa susunod na pasukan. Gustung-gusto ko na kasing mag-aral muli.” pagtatakip ni Bugoy, sabay karipas ng takbo patungo sa lilim ng isang punong manggang hitik na hitik sa bunga na madalas niyang puntahan sa tuwing siya’y nalulungkot, nagtatampo o kaya’y nababagabag. Pagdating na pagdating doo’y isinandal niya ang kanyang hapong katawan sa malapad na puno ng mangga. May hihigit pa kaya sa kandili ng manggang ito? Masarap din kayang sumandal sa mataas na pader na pumapalibot sa loteng iyon?”

Sa tanang buhay ni Bugoy ay hindi pa niya nararanasang lumapit sa pader na iyon. Kabilin-bilinan kasi ng kanyang mga magulang, lalo na ng kanyang Nanay, na huwag lumapit sa lugar na iyon. Bawal daw kasi para sa isang batang tulad niya. Baka kung ano raw ang mangyari sa kanya kung pumunta siya doon. May mga engkanto nga bang nanguguha ng mga bata sa loteng iyon? May mangkukulam nga ba doon?

Sa pagmumuni-muning iyon ni Bugoy, kasabay ng mga halakhakan at hiyawan ng kanyang mga kalaro na bahagyang pumupunit sa kanyang pandinig, ay nabuo sa kanyang isipan ang isang balak: Tatangkain niyang payukuin sa kanyang paanan ang palalong pader. Mapapasuko ko rin ang pader. Malalaman ko rin kung ano ang tinatakpan ng napakalapad at napakataas nitong katawan. Yuyuko ka rin sa akin, mayabang na pader. Ha! Ha! Ha! Ha! (Itutuloy)

No comments:

Post a Comment

Feel free to leave your comments. I'll be glad to reply to you anytime soon.